namimiss ko na ang new year sa pilipinas. miss ko na ang watusi, ang labintador, ung mga fountain na nakalinya sa daan, ung sinturon ni hudas, babyrockets at whistle bomb. si superlolo at yung mga trumpilyo na nakapako sa bakod ng mga bahay. sama ko na rin ung hiyawan ng mga bata sa daan na "ay supot!" pag ang labintador ay di pumutok ng malakas. kelan kaya uli ako magsusunog ng lumang gulong sa gitna ng daan para doon ko itatapon ang labintador at watusi. kakatuwa na nakakainis dahil pagkatapos ng pagdiriwang doon ko lang mapapansin kung gaano kaiitim ang kurtina sa bahay pati na rin ang aking ilong.sa pagsalubong sa 2007, tama lang ang ingay sa paligid ko tulad ng pagsigaw ng hapi new year after ng countdown, tawanan, kantahan at ingay ng mga beso beso, mga batang naglalaro at nagsisigawan. mabuti na nga ang ganito... walang paputok, walang madidisgrasya, walang masusugatan o daliring mapuputol o batang makakalunok ng watusi. dumaan ang magdamag ng walang nasugatan. ang pinakamaganda, lumipas din ito na kasama ka sa aking puso at isip.
natahimik ang paligid ng mga bandang 1:30 am pero alas tres na ng madaling araw ako dinalaw ng antok. mulat ang mga matang nakatitig lamang sa maulan na ulap mula sa parisukat na bintana habang sinasabayan ko ng buntong hininga ang tagaktak ng ulan sa may pasimano. naisip kong muli na wala ngang nasugatan sa mga paputok, pero casualty pa rin ang puso ko na nangungulila ng matindi sa iyo.p.s. new year resolution ko? di na ako mag-o off ng cell phone.
***
copyright bcjanuary12007
February 22, 2008
sa wakas 2007 na
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment